Bakit hindi ka nila maintindihan?
- Half-chilling
- Nov 2, 2019
- 2 min read
Updated: Dec 19, 2020
Natanong mo na ba ang iyong sarili, kung bakit parang wala namang nakakaintindi sa'yo? 'Yong tipong pakiramdam mo ay mag-isa ka lamang at walang kakampi? Narito ang mga sa tingin kong dahilan, kung bakit sa tingin mo ay walang nakaka-unawa sa iyo.
1.) Baka dahil hindi pa bukas ang kanilang isipan tungkol sa bagay na iyon.
Marahil ay may mga paksang panlipunan, o 'di kaya'y mga personal na isyu na bagamat alam mong tama ka at marami kang alam, hindi maiiwasan ang mga taong hindi pa marahil edukado sa bagay na iyon. Madalas ay hindi natin kailangan pwersahin ipilit na ipaglaban ang mga bagay, lalo na't hindi pa sapat ang kanilang nalalaman. Makakabuti siguro kung ikaw mismo ang mag papabatid sa kanila sa maayos na paraan kung ano ang katotohanan.
2.) Marahil ay hindi pa sapat ang iyong nalalaman.
Kabaligtaran naman ng nauna, marahil ay ikaw naman ang may kakulangan sa pang intindi. Hindi natin mauunawaan kung ano ang tama, kung hindi natin aalamin ano nga ba ang mali. Sa isang argumento ay hindi natin maiiwasang magkaroon ng sari-sariling paniniwala o opinyon, at natural lamang na ipaglaban ng bawat isa ang pinaniniwalaan. Kung sa tingin mo ay hindi mo pa alam ang kanilang paniniwala, nasayo ang pagkakataon upang alamin ang kabilang mukha ng barya.
3.) Baka hindi ka pa handang sabihin ang buong katotohanan.
Ang mga kausap mo ay hindi naman manghuhula, at lalong hindi naman nila makukuha ang mga pasimple mong salita at gawa. Minsan ay hindi lang talaga natin kayang sabihin, sapagkat alam natin na hindi pa tayo handa at magdudulot ang katotohanan ng matinding pagbabago. Baka natatakot kang makasakit ng damdamin, o kaya nama'y may masamang idudulot ang iyong pag-amin. Maaaring makapagbigay sila ng maling interpretasyon sa iyong sinasabi lalo na't hindi naman iyon ang buong katotohanan.
4.) Dahil hindi pa nila kayang tanggapin.
"Kaya sinasabi natin na hindi tayo maintindihan ng iba, dahil gusto natin na sumang-ayon sila sa atin." -MaxineJiji
Iyan ang isa sa mga paborito kong linyahan mula sa tanyag na manunulat. Aaminin ko, ako man ay napaisip ng mabasa ko ito. Sa totoo lang, hindi naman tayo mahihirapan hanapin ang tama kung alam na natin ang mali, ngunit dahil sa sarili nating mga prinsipyo sa buhay, minsan ay kahit alam nating mali ay ayaw natin mag patalo dahil sa ating mga personal na dahilan.
"Bakit hindi nila ako maintindihan?"

Iyan ang tanong ng aking kaibigan. Hindi ako makasagot, sapagkat napakaraming pwedeng maging dahilan ng hindi pag kakaintindihan. Ako rin mismo ay alam ko sa aking sarili ang mga pagkukulang ko tuwing sa tingin ko ay hindi ako maintindihan ng mga tao sa paligid ko. At kung sa tingin naman natin ay kailangan nila ng kaliwanagan, maganda na siguro 'yo
ng tayo ang mag adjust at kausapin sila. Be the better person ika nga nila. Kung kaya mong intindihin sila, ikaw na ang umunawa. At kung kaya mong ipa-intindi sakanila, maging liwanag ka at tanglawin mo ang nasa dilim nilang mga isip.
コメント